Ano Nga Ba Ang 0% Installment Plans?
Alam nating lahat na kapag hindi mo nabayaran ang nakalagay sa credit card bill mo ngayong buwan ay malamang ito’y maging isang malaking problema sa utang na kailangang kontrolin. Pero paano kung maaari kang mamili gamit ang iyong credit card kung saan maaaring pantay na hahatiin sa buwan o taon ang mga dapat mong bayaran? Hindi ito joke. Marami nang bangko ang nago-offer ng 0% Installment Plan para sa iyong credit card.
Ano ang 0% Installment Plan?
Ang 0% installment plan ay isang paraan ng pagbabayad ng mga pinamili sa piling mga tindahan o outlet kung saan nahahati ang babayaran sa nakatakdang buwan o taon na walang kasamang interes.
Paano Nagagamit ang 0% Installment Plan?
Halimbawa ay bumili ka ng isang produkto sa halagang PhP12,000.00 gamit ang 0% installment plan na dapat mong bayaran sa loob ng 12 buwan; ang iyong installment kada buwan ay PhP12,000/12 buwan= PhP 1,000.00 kada buwan.
Kung babayaran sa takdang araw ang mga nasabing installments, makasisiguradong walang dagdag na interes na babayaran sa kabuuan ng plan period.
Sa ngayon, halos lahat ng bangko sa Pilipinas ay nago-offer na ng 0% installment plans para sa tumatangkilik ng credit card. Nagkakaiba ang installment periods para sa mga bangko—maaaring tatlo hanggang 36 na buwan o higit pa ang kaya nilang ibigay. Kadalasan, ang 0% installment plan ay magagamit lang sa pagbili ng mga produkto sa selected participating outlets.
Mga Benepisyo ng 0% ng Installment Plan
Mula sa isang consumer, maraming benefits na makukuha sa 0% installment plan. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
– OBVIOUS. Maaari mo nang mabili ang mga mamahaling produkto ng walang malalaking interes sa loob ng nakatakdang period ng pagbabayad.
– HINDI GAANONG OBVIOUS. Maaaring ilagay ang kabuuan na dapat ay ibabayad ng produkto sa isang investment account kung saan kikita din ito ng interes sa mga bangko.
Paano Gamitin ang 0% Installment Plan?
Madali lamang gamitin ang 0% installment plan. Sundan lamang ang mga sumusunod:
- Humanap ng mga stickers o signs sa mga retail outlets na nagsasabing nagooffer sila ng 0% installment plan para sa iyong credit cards. Maaari ring tingnan ang mga websites ng mga bangko para sa listahan ng mga outlets na nagbibigay ng 0% installment plans.
- Bago bilhin ang produkto, tingnan muna kung may mga terms and conditions na dapat sundin para magamit ang 0% installment plan. Kadalasan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
– Ang mga produktong maaaring gamitan ng 0% installment plan
– Ang pinakamababang kabuuang halaga ng pinamili na dapat mong mabuo bago magamit ang 0% installment plan.
– Mga installment periods na maaaring magamit sa iyong plan
– Dagdag na administrative o installment charges kung sakaling gagamitin ang plan.
- Kung ok ka na sa mga terms and conditions na kasama ng plan, maaari mo ng bilhin ang produktong nais. Huwag kalimutang sabihin sa cashier na gagamit ka ng 0% installment plan. Syempre itatanong nila iyon, pero mas maganda na ring masabi mo ito.
- Kapag ok na ito, iau-authorize na nila ang iyong pagbili. Pagkatapos nito, lalabas na sa iyong credit card bill ang installment payments. Siguraduhing mababayaran ito sa takdang araw ng bayaran.
Nagustuhan mo ba ang article na ito? Mainam ring basahin ang Apat na Bagay na Dapat mong Malaman Bago Gamitin ang 0% Installment Plan.
Naghahanap ka ba ng credit card na may 0% installment plan? Suriin at mag-apply ng credit card gamit ang aming comparison table.
Leave your comment