Emergency Fund Para sa Kalamidad
Kapag dumating ang isang kalamidad, marami itong napipinsala—bukod sa ating mga pag-aari, malaki din ang epekto nito sa sosyal, ekonomikal at cultural na aspeto ng ating mga buhay. Bukod dito, madalas din tayong hindi handa sa kung ano man ang dadalhin ng kalamidad. Sa huli, palagi tayong nawawalan at nahihirapang makaalpas.
Noong 2009, nang dumating si Bagyong Ondoy sa Pilipinas, marami sa ating mga kababayan ang lumikas sa kanilang mga tirahan at tuluyan nang nawalan ng mga pag-aari. Matapos ang bagyo, handa ang aming kumpanya na magpautang ng walang interes sa mga nasalanta upang maisaayos ang kanilang mga tirahan na nasira ng baha at makabili ng mga kagamitang kakailanganin sa bahay. Nakatutuwa man ang ginawa ng aming kumpanya, naisip kong mas mainam pa rin kung hindi galing sa utang ang aking gagamiting pampaayos. Hindi sa kung ano pa man, mas maganda pa rin kung wala akong magiging utang. Mabuti na lamang dahil ninais ng aming kumpanya na magpautang ng walang interes, pero mas madalas na hindi ito ang realidad sa maraming Pilipino.
Isang mahalagang aral ang natutunan ko noon, kinakailangang magtabi hindi lamang ng ipon kundi maglaan din ng emergency fund kung sakaling may kalamidad o biglaang pangyayari sa buhay tulad ng pagkawala ng trabaho. Kahit na magaling kang magplano, mahirap pa rin kung wala kang emergency fund na magagamit sa panahon ng biglaang kagipitan. Dahil hindi moa lam kung ano ang pwede mangyare katulad na lamang ng krisis sa Europa. Narito ang ilang mga halimbawa ng mga itinuturing na emergency, hanapin kung alin ang tunay na emergency sa hindi:
– Pagkawala ng permanenteng trabaho
– Field trip ng anak
– Pambayad sa ospital
– Pambayad sa librong gagamitin sa pag-aaral
– Bakasyon
– Pambayad sa insurance
– Pambayad sa pagpapaayos ng bahay
Sagot: O,H,O,H,H,H,O
Ang emergency ay isang pangyayari na maglalagay sa iyong buhay, kalusugan, pagmamay-ari at lugar na ginagalawan sa siguradong kagipitan. Madalas tayong nakakalimot na maglaan ng sapat na halaga para sa mga pangyayaring hindi gaanong nangyayari pero alam nating malaki ang pagkakataong dumating sa buhay natin o mangyari sa atin. Dahil hindi kasama sa naitakdang budget, tulad ng insurance at pambayad sa ospital, nakakalimutan natin ito. Mahalagang magsimula ng maglaan ngayon para sa mga emergency, hindi lamang dahil kailangan kundi dahil alam mong makakapagpanatag ito ng iyong loob kung sakali mang may mangyaring hindi inaasahan.
Leave your comment