Tipid Tips para sa mga nag-Kokolehiyo
Bagong mag-aaral ka palang mula sa probinsya at kinakailangan mo na kaagad makipagsapalaran sa Maynila. Maraming oportunidad para mapabuti ang iyong lagay pero marami ding pagkakataon para gastusin ang perang pinaghirapang ipadala ng iyong mga magulang mula sa probinsya. Mahalagang merong magsasabi sa’yo ng mga dapat at hindi dapat mong gawin sa iyong pera kaya bilang mga dating college students, narito ang ilang tipid tips para di masayang ang puhunan ng iyong mga magulang sa iyo.
- MATUTONG MAGLUTO. Malamang naipagluluto ka ng iyong nanay dati at naipagbabaon pa, pero ngayong malayo ka na sa kanila hindi mo na makukuha ang ganoong perks. Bukod dito, masyadong magastos kung palagi kang kakain sa fastfood o sa mga restaurants. Kaya ang dapat, matuto ka ng magluto. Mahirap pero matutunan mo naman kagad kung magtitiyaga ka lang. Simulan nang mag- Google upang maghanap ng madadaling recipes.
- MAGTUBIG KA NALANG. Bukod sa pag-aralang magluto, sanayin na din ang sariling magtubig palagi kaysa softdrinks dito at softdrinks doon. Mas mahal ng mga limang piso ang isang bote nito, kumpara sa papiso pisong ice tubig mula sa Automatic Tubig Machine (ATM) na nagkalat sa iyong paaralan. At kung conscious ka din sa pagbabawas ng timbang, magandang bahagi ng regimen ang pag-inom ng tubig—masyadong maraming asukal ang softdrinks.
- PLANUHIN ANG PAMIMILI SA GROCERY. Planuhin mo na kagad ang lulutuin at kakainin mo sa isang linggo—ilista na ang mga kakailanganin sa pagluluto at idagdag na rin ang ibang mahahalagang bibilhin tulad ng toiletries. Matitipid mo rin ang pamasahe at oras na gugugulin papunta at pabalik ng palengke. Maganda ring tumawad sa mga pinamili, dagdag tipid tip din ito.
- PALAGING TANUNGIN ANG SARILI KUNG KAILANGAN KO BA TALAGA ANG BAGAY NA ITO. Sabi ng Economics Professor namin, sa kakaunting pera na meron tayo, mas marami pa ring luho ang gusto nating bilhin kaysa yung tunay na kailangan natin. Madalas, tatakamin pa tayo ng Buy One, Take One o 50% discounts na makikita natin sa mga tindahan. Kaya ang susi, palaging tanungin ang sarili kung kailangan nga ba talagang bumili ng bagay na ito. Kung hindi, bitiwan na ang mamahaling tshirt na iyan bago pa magastos ang baon na nakalaan para sa isang linggo.
- HUMINGI NG STUDENT DISCOUNT. Maraming perks ang pagiging estudyante, isa na rito ang 20% discount sa pamasahe at iba pang bilihin, kaya naman gamitin ito palagi. At oo, hindi kabawasan sa pagkatao ang itanong kung may discount kang makukuha, kaya gawin mo na.
- PUMASOK AT MAG-ARAL NG MABUTI. Hindi ka pinadala ng iyong mga magulang sa Maynila para lang gumala sa kabit-kabit na malls at magshopping ng walang humpay. Andito ka para mag-aral, kaya sulitin ang padala nila sa pamamagitan ng pagpasok sa eskwela. Marami ring prof na talagang nagchecheck ng attendance kaya mahalagang pumasok ka, dahil kung hindi, mataas na ang tres na makukuha mo sa classcard.
- BUMILI LAMANG NG ISANG NOTEBOOK BAWAT SEMESTER. Doon lang tayo sa totoo. Kung hindi ka naman ganoon kasipag magsulat at kumopya ng notes, isa nalang ang bilhin mo. O kaya naman, yung fillers nalang ang gamitin sa bawat course na kukunin.
- GAMITIN ANG SCHOOL LIBRARY. Hindi mo na kailangang bumili ng maraming libro kung maglalagi ka sa library. At oo, sayang ang fifty pesos o higit pa na bayad para sa library card kaya sulitin mo.
- KUMUHA NG ELECTRONIC COPIES NG LECTURE. Kung may laptop ka naman, mas maganda siguro kung hihingi ka ng copy ng presentation, handouts o ebooks ng Prof para hindi ka na gagastos sa pagpapa-photocopy nito. Bukod dito, sa bawat papel na gagamitin sa Xerox machine, ilang puno din ang puputulin para matugunan ito. Kaya mapasasaya mo si Mother Earth kung electronic ka na magbabasa.
- SUMALI SA MGA SCHOOL ORGS. Kaysa mag-enrol sa isang mamahaling gym, mas malaking tipid tip kung makikiisa ka sa mga activities ng iba’t ibang school organizations ninyo. Merong academic—yung tipong mga Science at Match Clubs nung high school, at meron ding sports-related katulad ng basketball at volleyball teams. Kung naghahanap ka naman kaparehas mo ng hilig, nagkalat din ang interest clubs sa university, hanapin mo lang sa annual school fair o sa mga posters na nakapaskil sa bulletin board.
- MAGVOLUNTEER TUWING WEEKENDS. Bukod sa wala itong gastos, nakatutulong ka din sa iyong kapwa at dumarami pa ang nakikilala mong mga kaibigan.
- MATULOG TUWING WEEKENDS. Kung ayaw mong magvolunteer, ilaan nalang sa pagtulog ang weekends. Sa ganito, makakabawi ka sa mga puyat na naranasan mo sa isang linggo. Maganda din itong pang-recharge sa darating na school week. Tipid din dahil nasa loob ka lang ng dorm.
- BAWASAN O MAS MAINAM NA IWASAN ANG BISYO. Bukod sa dagdag gastos ito, nakasasama pa ito sa kalusugan mo, kaya huwag nalang.
- TUMIRA MALAPIT SA IYONG UNIVERSITY. Maraming apartment, bed-spacing o dorm malapit sa mga universities kaya dito ka na maghanap ng titirahan pansamantala. May kamahalan pero kung ikukumpara ang rentang gagastusin sa pamasahe at pagod kung sa malayo manggagaling, makikitang mas tipid maging kapitbahay ng paaralan mo.
- KUMUHA NG ROOMMATE. Kung masyado talagang malaki ang gastos sa bahay, mainam na humanap ng roommate. Tipid ito kasi mahahati ninyo ang gastos. Magkakaroon ka na rin ng kaibigan kapag nagkagayon.
- BUMILI NG SECOND HAND NA LIBRO. Kaysa bumili ng bago sa mga bookstores, mas tipid na bumili ng secondhand na libro. O kaya, maaari ring manghiram ng libro sa mga seniors na hindi na gumagamit nito—siguraduhin mo lang na ibabalik mo at pag-iingatan ito para mapahiram ka pa sa susunod.
- MAGBUKAS NG SAVINGS ACCOUNT. Kung may extra sa iyong baon, mainam na iimpok na ito sa bangko. Bukod sa hindi mo na ito basta-basta magagastos, kikita din ito ng sapat na interes. Pwede ring gumamit ng alkansya kung hindi pa kayang magbukas ng savings account. Ang mahalaga, nakapagtatabi ka.
- IWASANG SUMAMA SA MGA MAGAGASTOS NA TAO. Alam mo namang magastos sila at ikaw sapat lang ang meron kaya umiwas ka na. Mahirap magastos ang perang nailaan mo nang baon para sa susunod na linggo. Pero kung ililibre ka paminsan-minsan, bakit hindi.
- DAGDAGAN ANG NALALAMAN. Bukod sa pormal na pag-aaral sa kolehiyo, maganda ring matuto ng iba’t ibang hobby o skills na magagamit mo sa hinaharap. Malay mo, mapagkakitaan mo pa ito.
- PALAGING BISITAHIN ANG IMONEY PHILIPPINES. Marami kaming financial tips na tiyak makatutulong sa inyo, kaya mag- subscribe na.
Leave your comment