0% Installment Plans: Ang Mga Dapat Mong Tandaan
Dumarami na ang mga credit card products na nago-offer ng 0% installment plans dito sa Pilipinas. Ang 0% installment plan ay isang paraan ng pagbabayad ng mga pinamili sa piling mga tindahan o outlet kung saan nahahati ang babayaran sa nakatakdang buwan o taon na walang kasamang interes. Narito ang ilang mga bagay na dapat mong tandaan kapag gagamit ng 0% installment plan sa iyong credit card:
Siguraduhing Ito Talaga ay 0%
Kapag sinabing 0% Easy Payment Plan, ang ibig sabihin ay wala ka talagang dagdag na gastos bukod sa iyong bibilhin. Pero marami ring pagkakataon kung saan hindi agad makikita ang mga dagdag na gastusing kaakibat ng pag-activate ng iyong 0% installment plan. Kaya ang payo, bago ito tuluyang gamitin, itanong muna sa mga bangko kung wala ng dagdag gastos o bayarin pa na kasama ng plan na ito. Para sa isang bilihing nagkakahalagang PhP100,000, ang 3% service charge ay nangagahulugang may dagdag na PhP3,000.00 ka pang gagastusin. Sa huli, imbis na sapat lang ang gagastusin, madaragdagan pa ito dahil hindi naitanong ng maayos ang 0% payment plan.
Siguraduhin ding 0% Rate ay Maaari sa Produktong Bibilhin
Bukod sa pagtatanong ng mga posibleng dagdag na gastos ng plan na ito, mabuti ring itanong kung naga-apply ba ang plan sa lahat ng nais mong pagkagastusan. Madalas, ang mga bangkong nago-offer ng 0% interest plan ay mayroon lamang piling mga tindahan o produktong maaari itong paggamitan. Ang bawat isang tindahan o produkto namang ito ay mayroon ding sariling patakaran pagdating sa paggamit ng 0% payment plan.
Halimbawa: Maaari lamang magamit ang 0% installment payment plan ng BDO Credit Card sa mga produktong bibilhin mula sa SM Department Store at Grocery. Bukod dito, ang mga pinamiling nagkakahalagang PhP 3,000.00 (pinakamababa) ay maaaring gamitin ang 0% installment payment plan sa loob ng 3 buwan.
Sa madaling sabi, hindi mo maaaring gamitin ng basta-basta ang iyong credit card. Katulad ng nasabi, siguraduhin munang (1) ang tindahin o produkto ay maaaring gamitan ng 0% installment payment plan, at (2) sapat ang halaga ng pinamili upang magamit ang nasabing plan.
Tandaan ang Late Payment Rules at Ibang Polisiya
Katulad ng ibang bayarin sa credit card, kinakailangang magbayad sa takdang araw ng bayaran. May ilang bangko na nagbibigay ng penalty kapag patuloy na hindi nakakapagbayad ng installment sa takdang araw ng bayaran. Ang ilan sa mga ito ang sumusunod:
– Hindi na magagamit ang 0% interest rate benefit. Ibig sabihin, kailangang magbayad ng installment na may standard interest rate na 3.50% kada buwan.
– Hindi na magagamit ang kabuuan ng installment plan. Ibig sabihin, kailangang bayaran ng buo ang produkto.
– Kung wala mang penalty, malaki naman ang epekto nito sa iyong buwanang budget dahil madaragdagan ng gastos sa mga susunod na buwan.
Bukod dito, may ilang bangko ring may dagdag na singil para sa mga early settlements ng 0% installment plan. Mabuting itanong ito sa iyong service provider.
Tignan ang Magiging Epekto ng 0% Payment Plan Sa Iyong Paggastos
Palaging tandaan na may mabuti at hindi mabuting epekto ang paggamit ng iba’t ibang financial instruments. Sa 0% installment plan, magiging madali ang pagbili ng isang kinakailangang bagay (halimbawa ang laptop o computer na iyong magagamit sa trabaho) pero maaaring ang parehong plan ang magtulak sa iyong gumastos ng labas sa iyong budget para sa buwang ito (bibilhin ang computer na mas mahal o may mas maraming specs na hindi mo naman talaga kailangan).
Madalas na pagkakamali nating mga mamimili na tingnan ang mas maliit na babayarang installment amount kaysa ang kabuuang presyo ng produktong nais. Maaaring masyadong malaki ang PhP10,000.00 para sa isang TV kung babayaran ng agaran; magiging kaakit-akit naman ito kung hahatiin ang bayarin sa loob ng 20 buwan dahil PhP500.00 lamang ang ilalabas. Tandaan na kapag bibili at gagamitin ang 0% installment plan, mas mainam na tingnan ang kabuuang halaga ng bibilhin kaysa installments.
Nagustuhan mo ba ang article na ito? Makakabuti ring malaman kung bakit kailangan mong kumuha ng credit card.
Leave your comment